KORONADAL CITY- Isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng Lake Sebu, South Cotabato dahil sa nangyaring malawakang fish kill o kamahong.
Ito ang kinumpirma ni Lake Sebu Vice Mayor Remie M. Unggol sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Vice Mayor Unggol, kailangan na talagang isailalim sa state of calamity ang kanilang bayan dahil sa lumalalang sitwayon ng lawa kung saan umabot na sa mahigit 143 na toneladang isda mula sa limampung ektaryang palaisdaan ang tinamaan ng fish kill.
Sa katunayan nasa halos 2 libong fish cage operators na rin ang naapektuhan at tinatayang nasa mahigit P10 milyon na ang naitalang inisyal na pinsala.
Dagdag pa ng bise alkalde, pinag-aaralan na sa ngayon ang pagpapatupad ng moratorium o pagbabawal na maglagay ng fish cages sa lake mula anim na buwan hanggang isang taon.
Ito ay dahil kahit na may existing na local ordinance ang munisipyo ay hindi naman umano ito nasusunod.
Aminado naman ang opisyal na lubhang congested at contaminated na ang lake dahil sa dami ng fish cages.
Ngunit dapat din umanong isaalang-alang ang sitwasyon sa pagpapatupad ng moratorium dahol halos 70 porsiyento ng kabuhayan ng mga residente sa lugar ay sa palaisdaan.
Napag-alaman na dahil sa dikit-dikit na mga fish nets at masamang lagay ng panahon, bumaba ang dissolve oxygen sa lawa na naging dahilan ng pagkamatay ng mga isda.