BOMBO DAGUPAN – Dahil sa patuloy na nararanasang pagbaha na nag-iwan sa malaking bilang ng apektadong pamilya, itinaas na ng sangguniang bayan ng Mangatarem ang State of Calamity sa kanilang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMaj. Arturo Melchor, Jr., Chief of Police ng Mangatarem Municipal Police Station, sinabi nito na marami na silang mga apektadong pamilya na nailikas at nananatili pa rin sa iba’t ibang mga evacuation centers sa kanilang bayan dahil sa mataas at malalim na pagbahang nararanasan.
Aniya na hindi naman sila nahihirapan sa paglilikas ng mga apektadong residente dahil tumutupad naman ang mga ito sa kanilang mga abiso, at katuwang din ng kanilang hanay ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa pagsasagawa ng mga rescue operation, gayon na rin ang Philippine Army upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa.
Wala pa rin aniya silang naitatalang anumang insidente ng pagkalunod o pagkasawi sa kasalukuyan.
Kaugnay nito ay tiniyak pa ni Melchor na nananatiling nakatalaga ang mga kawani ng kanilang tanggapan sa iba’t ibang mga lugar upang agarang maka-responde sa mga nangangailangan nito.
Samantala, itinaas na rin ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Sta. Barbara ang State of Calamity sa kanilang lugar bunsod ng nararansang pagbaha dahil sa epekto ng nagdaang Bagyong Egay. Sinisikap naman ng Bombo Radyo Dagupan na makuhanan ng pahayag ang hanay ng Municipal Disaster Risk Reduction and Managment Office ng naturang bayan para sa karagdagang detalye.