Idineklara na sa ilalim ng State of Calamity sa Solsona, Ilocos Norte.
Ito ay matapos hiningi ni Mayor Joseph De Lara sa konseho ng bayan na isailalim na sa State of Calamity ang bayan ng Solsona dahil sa pinsalang dulot ng Bagyong Egay hanggang sa Bagyong Goring.
Sinabi ni Vice Mayor Jonathan De Lara na agad nilang inaprubahan ang resolusyon para sa pagdeklara ng State of Calamity sa nasabing bayan upang matulungan ang mga residente lalo na’t may dalawang barangay pa ang nanatiling isolated.
Ayon sa bise alkalde, ang mga nanatiling isolated ay nasa Barangay Nalasin at Barangay Lipay matapos masira ang daan patungo sa mga nasabing lugar dahil sa mataas na tubig.
Aniya, sa pagdedeklara ng State of Calamity sa Solsona, gagamitin nila ang Calamity fund para mas mabilis na matulungan ang mga residente.
Dagdag pa ni Mayor De Lara na bagama’t wala na ang bagyo, kailangan pa rin nila ng calamity fund para matulungan ang kanilang mga kababayan na pangunahing naapektuhan.