LAOAG CITY – Idineklara na ng lokal na gobyerno sa bayan ng Solsona dito sa lalawigan ng Ilocos Norte ang State of Calamity dahil sa matinding epekto ng El Niño phenomenon.
Ayon kay Mayor Joseph De Lara, 60 porsiyento ng mga barangay sa bayan ng Solsona ang naapektuhan ng kakulangan ng suplay ng tubig kabilang ang Barangay Mariquet, Barangay Talugtog, Barangay Bubuos at iba pa.
Aniya, wala ng tubig ang ilog, batis at balon dahilan kung bakit maraming mga residente ang pumipila para sa isinasagawang water rationing.
Dahil dito, nagpasya silang ideklara na ang bayan ng Solsona sa ilalim ng State of Calamity para magamit ang pondong inilaan para sa calamity o emergency fund.
Paliwanag niya, nahihirapan ang Bureau of Fire Protection sa bayan ng Solsona sa pagkuha ng tubig para sa patuloy na water rationing.
Kaugnay nito, sinabi ni Senior Fire Officer 3 Venner Adina, Municipal Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection sa nasabing bayan, bukod sa mga residential areas, ilang paaralan tulad ng Talugtog National High School at Solsona National High School ang nangangailangan din ng water rationing kabilang pa ang iba’t ibang opisina sa nasabing bayan.
Samantala, naghahatid sila ng pang-araw-araw na rasyon sa mga barangay, paaralan at opisina kasama ang kanilang dalawang fire truck at isang trak mula sa Municipal Agriculture Office habang naka-standby naman ang isa pang fire truck para sa emergency purposes.