-- Advertisements --

Mistulang isolated ang bayan ng Sta. Ana, Cagayan kasunod ng pananalasa ng supertyphoon Ofel matapos mawasak ang isang tulay na tanging daanan papasok sa naturang coastal town.

Sa kasagasagan ng pananalasa ng bagyo, nawasak ang tulay sa National Highway na sakop ng Brgy. San Jose, Gonzaga habang patuloy ding rumaragasa ang tubig sa ilalim nito.

Dahil dito, walang anumang sasakyan na makakadaan sa naturang kalsada.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng mga otoridad, nawasak ang naturang tulay, at natangay pa ang ilang bahagi ng national highway matapos ang pagragsa ng tubig na galing sa kabundukan.

Dala-dala ng mga tubig na galing sa kabundukan ang mga tangkay ng punongkahoy, mga putik, at iba pang debris na tuluyang humampas sa kalsada.

Samantala, wala namang mga indibidwal o mga sasakyan na kasalukuyang nasa tulay at kalsada noong mangyari ang insidente. Pinag-aaralan na rin ang pansamantalang paggamit ng bangka upang maabot ang isolated na bayan.