ROXAS CITY – Isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng Tapaz sa lalawigan ng Capiz dahil sa epekto ng El Niño phenomenon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas kay Hon. Roberto Palomar, alkalde ng nasabing bayan, sinabi nito na dahil sa malawakang pinsala sa agrikultura at ilang mga residente dulot ng matinding init sa kanilang bayan ay napagpasyahan nilang ideklara na ang state of calamity sa bisa ng resolution no. 22-236 series of 2024 na ipinasa naman ng Sangguniang Bayan noong Abril 22 ngayong taon.
Dagdag pa ng Alkalde, plano nilang magbigay ng tulong sa mga nasalantang magsasaka at ayuda para naman sa mga pamilyang apektado ng nasabing kalamidad mula sa kanilang calamity fund.
Napag-alaman na umabot sa 40% ng kanilang agricultural crops ang nasira, 15.3% naman sa forest trees at 81.15% naman sa kanilang mga households.