-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nakatakdang isailalim sa state of calamity ang bayan ng T’boli sa South Cotabato dahil sa pinsala na naidulot ng tubig-baha at landslide sa kanilang lugar.

Ito ang inihayag ni Mayor Dibu Tuan sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Tuan, kabilang sa mga labis na napinsala ang pananim ng mga magsasaka o ang sektor ng agrikultura kung saan sa inisyal na pagtantiya ng Office of the Municipal Agriculture ay nasa P1.5 milyon.

Sa ngayon, nagpapatuloy naman ang clearing operations sa mga daan upang makatawid ang mga heavy equipment at tulong na rin sa mga apektadong residente.

Kasabay nito, umapela ang alkalde sa kaniyang nasasakupan na maging handa sakaling bumuhos ang ulan at makipagtulungan sa LGU upang makabangon sa pinsala ng kalamidad at pandemiyang dulot ng COVID-19 virus.