KORONADAL CITY – Nakatakdang isailalim sa state of calamity ang bayan ng Tulunan sa lalawigan ng North Cotabato makaraang makapagtala ng malaking pinsala dahil sa pananalasa ng baha dulot ng walang tigil na pagbuhos ng ulan na may dalang malakas na hangin.
Ito ang kinumpirma ni Engr. Arnulfo Villaruz ,Chief of Operations ng Provincial Disaster Risk Reduction nad Management Office (PDRRMO) North Cotabato sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Villaruz, lubhang naapektuhan ng kalamidad ang agricultural sector kung saan ekta-ektaryang palayan at mga produkto ng magsasaka ang nasira batay sa isinagawang damage assesssment luma sa mahigit 20 barangay sa nabanggit na bayan.
Dagdag pa nito na maliban sa bayan ng Tulunan apektado rin ang ilang lugar sa lungsod ng Kidapawan at bayan ng Magpet.
Sa ngayon nananawagan ang kanilang departamento ng tulong at pre-assessment na rin sa mga pinsala mula sa iba pang local government unit (LGU) upang mas maagapan at matulungan na rin ang mga apektado ng kalamidad.