BUTUAN CITY – Kinumpirma ng pamahalaang lokal ng Nasipit, Agusan del Norte na wala na silang pinapadaong na mga barkong pampasahero na nagmula sa Kalakhang Maynila.
Pahayag ito ni Mayor Enrico Corvera sa panayam ng Bombo Radyo Butuan bilang precautionary measure upang hindi makapasok sa kanilang bayan ang kinatatakutang coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Corvera, nito pang Sabado nila ito ipinatupad kiung kaya’t may mga pasaherong hindi nakababa mula sa barkong galing Maynila kung saan naitala na ang local transmission ng nasabing virus.
Inihayag pa ng alkalde na hindi lamang ang mga taong mula Maynila ang kanilang pinagbabawalang makapasok sa kanilang bayan kundi pati na ang mula sa iba pang mga lugar ng bansa na may naitalang local transmission nito.
Habang ang hindi nagpapakita ng mga sintomas ng COVID-19 na nakapasok na sa kanilang bayan mula sa mga lugar na may naitala nang kaso nito ay kanila ng kinokonsiderang mga “Persons Under Monitoring” at ipapa-alam sa mga kaukulang local government units upang ma-monitor ang kanilang kalagayan.