KALIBO, Aklan – Dahil sa pangambang maapektuhan ang industriya ng turismo sa isla ng Boracay, umapela si Malay liga president Ralf Tolosa kay Governor Florencio Miraflores na huwag isama ang bayan ng Malay na siyang may hurisdiksiyon sa isla sa idineklarang dengue outbreak sa buong lalawigan ng Aklan.
Iminungkahi pa nito na dapat na magkaroon ng konsultasyon ang Municipal Health Office ng Malay kay Acting Mayor Frolibar Bautista kaugnay sa ipapasang report upang mapag-usapan.
Balak ngayon ng Sangguniang Bayan ng Malay na magpasa ng resolusyon ukol sa nasabing apela sa gobernador.
Batay sa pinakahuling tala ng Provincial Health Office, umaabot na sa 2,540 ang bilang ng kaso ng dengue sa buong Aklan simula Enero hanggang Hulyo 13 ng kasalukuyang taon.