-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Isinailalim na sa lockdown ang buong bayan ng Pudtol sa lalawigan ng Apayao matapos matanggap ngayong araw ng Provincial Inter-Agency Task Force ang impormasyon mula sa Philippine Genome Center (PGC) ukol sa pagpositibo doon ng isang kaso ng Delta variant ng COVID-19.

Ayon kay Governor Eleanor Bulut-Begtang, ang nasabing kaso ay mula sa bayan ng Pudtol at isa ito sa mga isinumiteng specimens sa PGC noong nakaraang buwan ng Hulyo.

Aniya, fully-recovered na ang nasabing kaso.

Epektibo ngayong araw ang lockdown sa bayan ng Pudtol hanggat hindi pa nakokompleto ang contact tracing at hindi pa lumalabas ang resulta ng isasagawang mass testing.

Gayunman, ipinasigurado ni Apayao Governor Eleanor Bulut-Begtang na sa kabila ng nasabing kaso ay kontrolado naman ang sitwasyon dahil ginagawa lahat ng Provincial IATF at Pudtol IATF ang kanilang makakaya para pamahalaan ang sitwasyon.

Patuloy din nitong hinihiling ang patuloy na pagsunod ng mga mamamayan doon sa lahat ng mga health protocols.

Sa ngayon, kasama ang Apayao sa mga isinailalim sa Alert Level 4 dahil sa mataas na kaso ng COVID-19 at hospital utilization rate.