BAGUIO CITY – Nagsisimula nang maramdaman ang pagbaba ng temperatura sa Baguio City, lalo na sa mas mataas na mga bahagi ng lalawigan ng Benguet.
Kasunod pa rin ito ng pagdeklara ng PAGASA ng pag-iral na ng Northeast Monsoon o Hanging Amihan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay PAGASA Baguio Weather Observer Engr. Efren Dalipog, sinabi niya na lumalamig na ang panahon dahil sa hanging nagmumula sa mainland China at Siberia.
Ayon sa kanya, dahil mas mataas ang ilang bahagi ng lalawigan ng Benguet, mas mababa ang temperatura doon ng dalawa hanggang tatlong degrees Celsius.
Inaasahan aniyang bababa pa ang temperatura sa Baguio at Benguet, pati na rin sa ilang bahagi ng Ifugao at Mountain Province, pagsapit ng mga susunod pang buwan, lalo na sa Enero at Pebrero 2022.
Sa latest monitoring ng Automated Weather Stations ng DOST-PAGASA, naitala kaninang alas-5:40 ng umaga ang 13°C na lowest temperature habang 11°C naman kahapon.
Sa La Trinidad, Benguet, naitala ang 15°C na lowest temperature habang 16°C naman ang lowest temperature ng Baguio City as of 5:40 ngayong umaga.
Batay sa rekord ng PAGASA-Baguio, ang pinakamababang tempuratura dito sa lungsod ay naitala sa 6.3°C noong January 18, 1961 na sinundan ng 6.7°C noong February 28, 1963; 8.4°C noong January 8, 2002 at 8.0°C noong January 18, 2003.
Ang normal temperature sa Baguio City ay 15-16°C.
Sa ngayon, maliban sa malamig na panahon na nararanasan sa matataas na bahagi ng Cordilleras dahil sa hanging amihan, sinabi ng PAGASA na mararanasan din ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mahihinang mga pag-ulan.
Inaasahan din na maraming turista ang dadayo dito sa City of Pines matapos muling binuksan ng Baguio LGU ang non-essential travels para sa mga fully vaccinated tourists maliban sa mga magmumula sa mga lugar na nasa ECQ, MECQ, Level 4 at Level 5.
Maaalalang kasama ang BER Months at mga unang bahagi ng bagong taon sa mga peak season ng lungsod bago pa ang pandemya dahil sa malamig nitong klima na nagsisilbing atraksion sa mga turista mula sa ibat-ibang bahagi ng bansa.