ROXAS CITY – Lubog ngayon sa tubig baha ang isang barangay sa bayan ng Sigma sa lalawigan ng Capiz, dahil sa patuloy na pag-ulan na dala ng bagyong Ramon.
Kinumpirma ni Judy Grace Pelaez, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer sa Bombo Radyo ang pagbaha sa Barangay Pagbunitan, Sigma, Capiz, kung saan hindi na ito madaanan ng lahat ng uri ng sasakyan.
Sa kabila na walang tropical storm signal ang Capiz, ay patuloy naman ang pag-ulan, simula pa kahapon kung saan nagdeklara ng suspension of classes ang mga local chief executives sa Roxas City at mga munisipalidad hanggang ngayong araw para masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante.
Patuloy ang monitoring ng PDRRMO para ma-monitor ang lebel ng tubig sa mga ilog at nakipag-ugnayan na rin sila sa kanilang mga counterparts sa mga kabayanan.
Pinayuhan rin ni Pelaez ang mga residenteng naninirahan malapit sa mga ilog na maging alerto at mapagmatyag at pumunta na sa mga evacuation centers sakaling makita nila ang pagtaas ng tubig, para maiwasan na malagay sa peligro ang kanilang buhay.