-- Advertisements --

ROXAS CITY – Isinailalim na sa state of calamity ang Pontevedra sa Capiz dahil sa patuloy na paglobo ng kaso ng dengue sa lalawigan.

Ito ang kinumpirma mismo ni Pontevedra Mayor Esteban Evan Contreras sa panayam ng Bombo Radyo Roxas.

Inihayag nito na siya mismo ang nagrekomenda sa kanilang Sangguniang Bayan na isailalim sa state of calamity ang lugar upang lalo pang matutukan ang kampanya kontra sa naturang sakit.

Nabatid na ang bayan ng Pontevedra ang pumapangalawa sa Lungsod ng Roxas sa may pinakamaraming naitalang kaso ng nakakamatay na sakit.

Sa mahigit 200 na nagpositibo sa dengue ngayon taon sa Pontevedra, mayroon na rin umanong dalawang pasyenteng binawian ng buhay.

Kasunod ng pagsailalim sa state of calamity sa nabanggit na bayan, magagamit na rin ng lokal na gobyerno ang kanilang calamity fund upang mas mapaigting ang kanilang kampanya kontra dengue.