BACOLOD CITY – Pormal nang isinailalim sa Comelec control ang bayan ng Moises Padilla sa Negros Occidental kasunod ng serye ng election-related incidents na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang konsehal at dating punong barangay.
Idineklara ngayon ni Comelec Commissioner Antonio Ko, chairman ng Comelec control task force, ang pagsasailalim sa Moises Padilla sa kontrol ng poll body, kasabay ng kanyang pagpunta rito.
Kaugnay nito, idineploy sa nabanggit na bayan ang karagdagang sundalo at daan-daang mga pulis.
Tinanggal din ang hepe at lahat na mga pulis sa Moises Padilla Municipal Police Station at inilipat sa ibang bayan.
Si Capt. Junjie Liba ay pinalitan ni Lt. Col. Adrian Acollador na deputy director for administration ng Negros Occidental Police Provincial Office.
Dahil lahat ng mga hakbang ng militar at pulis ay kailangang aprubahan ng Comelec, inilagay ang provincial election supervisor ng Negros Occidental na si Atty. Jessie Suarez bilang officer-in-charge sa Moises Padilla.
Kasama ni Commissioner Ko na pumunta sa nabanggit na bayan si Commissioner Rowena Guanzon na isa ring Negrense at mga opisyal ng PNP at Philippine Army.
Maalalang noong Marso 31, pinatay si Councilor Jolomar Hilario sa kanilang bahay sa Barangay Inolingan habang inamin naman ng New People’s Army ang krimen.
Abril 25, inambus ang convoy ni Vice Mayor Ella Celestina Garcia-Yulo sa Barangay Inolingan kung saan namatay ang kanyang kapatid na si dating punong barangay Mark Garcia at pamangkin na si Councilor Michael Garcia.