Isinailalim na ng Commission on Elections (COMELEC) sa kanilang kontrol ang bayan ng Moises Padilla sa Negros Occidental kasunod nang pagkakapaslang sa dalawang councilors na tumatakbo sa nalalapit na halalan.
Kinumpirma ito ni COMELEC spokesperson James Jimenez sa isang pulong balitaan nitong araw.
Dahil dito, may karapatan na ang poll body na siyasating mabuti ang lahat ng programa ng lokal na pamahalaan kabilang na ang performance ng mga opisyal sa kanilang trabaho, disbursements ng pondo at deployment rin ng mga manggagawa.
Samantala, sinabi ni COMELEC Commissioner Antonio Kho, Jr., na nagsagawa na ng orientation ang kanilang mga opisyal gayundin ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines at Department of the Interior and Local Government sa mga lokal na opisyal hinggil sa bagong set-up na ito.
Sa ngayon, may ipinadala na ring mga sundalo at tangke sa lansangan, at magkakaroon din ng mga checkpoints.
Abril 25 nang napatay sa ambush si Sanggunian Bayan member Michael Garcia at kanyang tiyuhin na si Mark habang nangangampanya sa Barangay Inolingan.
Bukod sa dalawa, binaril-patay din ng mga suspected New People’s Army members ang isa pang councilor na si Jolomar Hilario noong Marso 30.