LEGAZPI CITY – Isinailalim sa isang linggong lockdown mula ngayong araw ang buong Prieto Diaz, Sorsogon kasunod ng pitong panibagong positibong kaso ng coronavirus disease sa lugar.
Pawang nagkaroon ng exposure ang mga ito kay Bicol No. 423 sa isang burol habang una na ring naiulat na nasawi sa sakit ang nasabing pasyente.
Nilinaw ni Mayor Benito Doma sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na hindi “hard lockdown” ang klasipikasyon nito kundi nilalayon lamang na mai-isolate at madala sa quarantine facility ang mga matutukoy na nagkaroon ng exposure sa COVID-19 positive, batay sa contact tracing.
May pass naman ang mga barangay para sa essential travel and needs ng mga tao subalit walang biyahe ang mga pampublikong sasakyan at tricycle palabas ng bayan.
Tiniyak ng alkalde ang pagbabantay sa mga ito sa tulong ng mga checkpoints.
Tuloy naman ang trabaho para sa mga frontliners at authorized persons outside residence (APOR).