-- Advertisements --

KORONADAL CITY- Isinailalim na sa state of calamity dahil sa dengue outbreak ang bayan ng Surallah sa lalawigan ng South Cotabato.

Ito ang inihayag sa Bombo Radyo Koronadal ni Surallah Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer o MDRRMO Leonardo Ballon matapos na inaprubahan ng Sangguniang Bayan ang kanilang rekomendasyon.

Ayon kay Ballon, tatlong mga barangay sa naturang bayan ang unang nagdeklara ng state of calamity, ang Barangay Buenavista, Barangay Centrala at Barangay Dajay.

Sa ngayon, nagsasagawa na ng mga hakbang ang LGU partikular ang Municipal Health Office upang masugpo ang dengue lalo na sa mga barangay na may clustering of cases.

Kasabay nito, hinihikayat naman ni Ballon ang mga mamamayan na tumulong sa pagsugpo sa dengue sa pamamagitan ng paglilinis sa paligid at paghahanap sa mga lugar na maaaring pangitlogan ng lamok na nagdadala ng dengue virus lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.