Nanindigan si House Ways and Means Committee Chair at Albay Representative Joey Salceda na mahalaga na magkaroon pa rin ng Bayanihan 3.
Kamakailan nang ihain nina Salceda, Majority Floor Leader Martin Romualdez at Deputy Speaker Sharon Garin ang House Bill No. 8059 o ang “Bayanihan to Rebuild as One Act” na paglalaanan ng P247-bilyong pondo.
Ayon kay Salceda, ang Bayanihan 3 ay nakatuon para sa survival ng apektadong mga micro small and medium enterprise o MSMEs.
Marami pa rin aniya kasing maliliit na negosyo ang hindi saklaw sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2 at dahil malaking bahagi ng 2021 budget ay inilaan sa infrastructure spending.
Iminumungkahi ring kunin ang pondong para sa Bayanihan 3 mula sa savings ng mga ahensya ng gobyerno para hindi na magulo pa ang deficit spending limit para sa susunod na taon.
Maliban sa mga maliliit na negosyo, pasok din sa popondohan sa ilalim ng Bayanihan 3 ang pambili ng COVID-19 vaccine.
Sinabi pa ng mambabatas, ngayong marami nang pharmaceutical companies ang naghayag ng positibong resulta ng kanilang COVID-19 vaccine, magiging bentahe sa bansa kung maipapakita nito sa mga kompanya na mayroong nakahandang pondo ang pamahalaan pambili nito.
Aniya, ang kawalan ng kumpiyansa dahil marami pa rin ang takot lumabas para mamili o mamuhunan na siyang nagpapabagal sa pag-andar ng ekonomiya ang isa sa patuloy na hamon sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa.