Posibleng hindi na magsagawa ng isa pang round ng Bayanihan Bakunahan ang pamahalaan sa mga susunod na panahon.
Ito ay matapos na hindi makamit ng pamahalaan ang target nitong makapagpabakuna ng nasa 1.8 milyon na mga indibidwal sa nakakipas na National Vaccination Day.
Ayon kay National Vaccination Operations Center (NVOC) chair at Health Undersecretary Myrna Cabotaje, sa halip ay tututukan na lang aniya nila ang mga lalawigan na nangangailangan ng tulong.
Ito ay upang matulungan aniya ng pamahalaan ang mga lugar na nasa ilalim pa rin ng Alert Level 2 na makapagbakuna pa ng mas maraming indibidwal at mas lalong mapababa pa ang mga kaso ng COVID-19 doon.
Aminado si Cabotaje na ang mga dahilan sa mabagal ng bakunahan ay ang kawalan ng sense of urgency at vaccine hesitancy, gayundin ang masamang panahon.
Ngunit sa kabila nito ay umaasa pa rin ang opisyal na makakamit pa rin ng gobyerno ang paunang target nito na makapagbakuna ng 70 milyong indibidwal sa buong bansa sa pagtatapos ng buwan ng Marso.
Upang maabot ito ay sinabi ni Cabotaje na nasa pagitan ng isa hanggang dalawang milyong indibidwal ang kailangang mabakunahan bawat linggo hanggang Marso 30.