
Inihayag ng water concessionaires na Maynilad Water Services Inc. at Manila Water Co. na hindi maapektuhan ang bayarin ng mga consumer sa tubig kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na tanggalin ang corporate income taxes (CIT) mula sa kanilang concession agreement.
Pinagbabawalan sa ilalim ng desisyon ng Korte Suprema ang mga kompaniya ng tubig mula sa pag-charge ng kanilang corporate income taxes sa mga consumer dahil idineklara lamang ang mga ito na public utilities.
Bagamat hindi nabanggit aniya sa desisyon ng SC ang anumang refund para sa mga consumer sa halaga ng kanilang binabayarang bill ng tubig sa nakalipas na mga taon, sinabi nina Bayan Muna chairman Neri Colmenares at executive vice president Carlos Zarate na kanilang isusulong ang pagproseso para sa refund.
Ayon naman kay Metropolitan Waterworks and Sewerage System-Regulatory Office (MWSS-RO) chief regulator Patrick Ty, nakasalalay na sa kataas-taasang hukuman ang magpapasya sa pag-refund ng Maynilad at Manila Water sa nasabing buwis.
Iginiit naman ng MWSS official na ang ruling ng korte suprema ay kumpirmasyon lamang ng desisyon ng korte na hindi pahintulutan ang Maynilad at Manila Water na mangolekta ng corporate income taxes.
Una na kasing pinagbawalan ng MWSS ang Maynilad at manila Water na mangolekta ng naturang buwis kayat naghain ang water concessionaires ng arbitration case laban sa kanila.
Tinutukoy ng opisyal ang dispute notices na inihain ng dalawang water companies matapos na ibasura ng MWSS ang kanilang petisyon na taasan ang singil sa tubig noong 2013.
Samantala, sa panig ng Maynilad, natanggap na nito ang kopya ng desisyon ng SC at tinanggap ang status nito bilang isang public utility at lumagda na sa revised concession agreement habang ang manila Water naman ay inihayag na walang impact ito sa kasalukuyang operasyon ng kompaniya at sa bill ng kanilang customers.