Sanib puwersa sa kanilang final rehearsal sina Miss Universe 2018 Catriona Magnayon Gray at Miss Grand International 2016 first runner-up Nicole Cordoves bilang host ng Binibining Pilipinas coronation mamayang gabi.
Una nang naiulat na sina Gray at Cordoves ang kauna-unahang female tandem sa 57th edition ng Binibining Pilipinas.
Kahapon, puspusan din ang paghahanda mula sa venue hanggang sa 34 official candidates kung saan muling nagsagawa ng disinfection sa Araneta Coliseum.
Ang mga kandidata naman ay isinailalim sa swab test.
Ang pagpayag ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na ituloy ang coronation night ay sa kondisyong susunod sa health protocols laban sa Coronavirus Disease (COVID).
Matatandaang ilang beses nang ipinagpaliban ang malaking local pageant dahil sa COVID pandemic.
Una nang napabilang sa “top picks” ng karamihang pageant experts ang Davao beauty na si Justine Felizarta na rumampa sa swimsuit competition kahit bagong opera lamang, at si Carina Cariño ng La Union na dumanas ng wardrobe malfunction.
Magpapatalbugan ang 34 “binibini” candidates sa apat na korona para maging kinatawan ng bansa sa Miss Globe, Miss Intercontinental, Miss Grand International, at Miss International.