Naniniwala ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mahalaga ang pagpasa sa Bangsamoro Basic Law (BBL).
Ayon kay AFP spokesperson Col. Edgard Arevalo, malaking tulong ito lalo na sa kampanya ng militar laban sa mga local terrorist group na kumikilos sa Mindanao.
Sinabi ni Arevalo, malaking hamon sa militar ang pakikipaglaban sa mga teroristang grupo.
Pero dahil mayroon na umanong Bangsamoro government na pangungunahan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), makakatuwang na nila ito para panatilihin ang peace and order sa rehiyon.
Mababawasan na rin aniya ang mga teroristang grupo na pagtutuunan ng pansin ng militar.
Umaasa naman si Arevalo na magtatagumpay ang BBL dahil ito na ang magiging susi sa pagkakaroon ng pangmatagalang kapayapaan na siyang pinaka-aasam asam ng lahat.
“Well sa atin sa [AFP], very hopeful tayo na ang [BBL] magiging susi at magiging solusyon kung kailan at paano tayo magkakaroon ng sinasabi nating pangmatagalang kapayapaan sa lupang Mindanao, sapagkat ito naman ang hangad ng lahat ng tao, ng lahat ng Pilipino sundalo man o sibilyan,” wika ni Arevalo.
Samantala, walang balak ang militar na irekomenda na buksan ang peace talks sa pagitan ng pamahalaan at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na siyang breakaway group ng MILF.
Nilinaw naman ni Arevalo na wala sa kanilang hurisdiksiyon na makipag-usap sa BIFF kung saan ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) ang isa na raw na nakatoka dito.