KORONADAL CITY – Nagpapatuloy pa rin ang pagsasagawa ng orientation para sa mga bagong myembro grupong Bagong Bansang Maharlika International Inc. sa ibat-ibang lugar sa South Cotabato sa kabila ng babala ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Kaugnay nito nanawagan si Governor Reynaldo Tamayo Jr, sa lahat ng mga Local government unit na huwag pahintulutan ang mga ito lalo na sa mga barangay na gamitin ang kanilang gymnasium sa pagsasagawa ng oryentasyon at iba pang aktibidad.
Ayon kay Governor Tamayo, kung pinapayagan ng LGU ang mga ganitong aktibidad ay tila nangangahulugang pinapayagan din nilang makapasok ang mga manloloko sa probinsiya.
Una nang nanawagan si Governor Tamayo sa mag mamamayan na huwag magpaloko sa gumagamit ng pangalan ng pangulo o sinumang opisyal ng gobyerno para makakolekta ng pera.
Una na ring nakapanayam ng Bombo Radyo si Atty. Katrina Ponco-Estares, ang regional Director ng SEC Davao at inihayag nito na nagpalabas sila ng ng advisory laban sa Bagong Bansang Maharlika (BBM) International Inc. dahil hindi ito otorisado na mangolekta ng pera o mag-operate bilang isang investment scheme.
Napag-alaman na ang ginagawa ng mga opisyal ng ganitong scam ay nag-aalok ng mga programa at benepisyo gaya ng free education, free hospitalization, food security, livelihood, at cash assistance sa mga senior citizen sa mga tao ngunit kailangan muna nilang magpa-miyembro at magbayad ng P100 para umano sa Identification card (ID).