KALIBO, Aklan—Muling binuhay ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan ang beach parties sa isla ng Boracay sa pag-asang makahakot ng mga kabataang turista.
Ayon kay Felix Delos Santos Jr., hepe ng Malay Tourism Office na ang white beach party ay sisimulan sa kahabaan ng beach front sa darating na Marso 9, 2024.
Nakipagpulong aniya sila sa mga disco at bar owners kasama ang LGU-Malay upang matalakay ang mga rules and regulations upang maiwasan na malabag ang ipinapatupad na batas sa isla partikular ang pananatili sa peace and order, seguridad ng mga turista, pagkalat ng basura at iba pa.
Dagdag pa ni Delos Santos na nakalatag na ang kanilang mga plano para sa revival ng beach party.
Matatandaan nang muling binuksan ang Boracay noong Oktubre 2018 matapos ang anim na buwang rehabilitation project, ang pag-organisa ng mga parties ay pinayagan lamang sa loob ng mga establisimento.
Nabatid na mas buhay ang palibot ng Boracay lalo na sa gabi dahil sa kaliwa’t kanang kasiyahan na inoorganisa ng mga hotels and resorts owner at iba pang establisyimento para sa kanilang mga guest.
Sa kasalukuyan, inaasahan ng ahensya na tataas pa ang tourist arrival sa Boracay dahil na nalalapit na summer season matapos maitala ang kabuuang bilang na 174,364 tourists na bumisita sa tanyag na isla sa buwan ng Pebrero.