KALIBO, Aklan – Dahil sa nagpapatuloy na rehabilitasyon sa isla ng Boracay, hindi muna pinayagan ang pinakamalaking Open Beach Volleyball Meet sa bansa na taun-taong isinasagawa sa isla.
Isang tawag umano ang natanggap ng organizer ng Boracay Beach Volleyball Open (BBVO) mula kay Boracay Inter-AgencyTask Force (BIATF) general manager Natividad Bernandino na muna sila magbibigay ng permit para sa naturang aktibidad na nakatakda sa Nobyembre 15 hanggang 17.
Nabatid na kahit ang beach weddings ay ipinagbabawal rin sa isla.
Simula noong 2011 ay sa Boracay ginaganap ang open beach volleyball meet.
Halos 16 na bansa ang kalahok sa nasabing volleyball open noong 2017 at hindi rin ito natuloy noong nakaraang taon dahil sa Boracay closure.
Sa kasalukuyan ay sinisikap na makuha ng Bombo Radyo ang pahayag ng BIATF, ngunit hindi pa ito sumasagot.