Tanggap ni Beatrice Luigi Gomez ang kabiguan nitong masungkit ang panglimang Miss Universe crown para sa Pilipinas.
Sa unang pagharap nito sa media matapos ang 70th coronation nitong Lunes sa Eilat, Israel, sinabi nito na wala siyang pinagsisihan sa kanyang performance dahil ibinigay niya ang kanyang “best” kaya umabot hanggang sa Top 5.
Ngunit gaano man daw niya maging target ang presithiyosong korona, sadyang hindi ito sa kanya itinadhana kundi sa 21-anyos na pambato ng India.
“Para sa ‘kin, hindi po kulang kasi binigay ko po lahat (For me, it did not fall short because I gave my all). I’m just very proud of what I did,” saad ng 26-year-old mass communication student.
Samantala, isa aniya sa nagpadagdag ng kanyang ngiti at pagiging kalmado sa gitna ng coronation ay ang presensya ng Pinay actress na si Marian Rivera sa panel of judges.
Ayon sa “openly gay” at “pure blooded Pinay,” tanaw niya ang pag-cheer sa kanya ni Marian kahit bawal ito.
Una nang kumalat ang kanilang larawan na magkahawak ng kamay at magkayakap pagkatapos ng coronation night.
“I told her (Marian) po na the reason behind during the preliminaries na hindi ko matanggal ‘yung ngiti ko is because nakikita ko siyang nagche-cheer. Kahit bawal sa kanila as part of the panel of judges na mag-cheer for their country, nagche-cheer pa rin siya lagi and she commends me,” kuwento ni Gomez.
Kung maaalala sa 69th Miss Universe na ginanap nito lamang Mayo 2021, nagtapos sa Top 21 ang pambato ng bansa na si Rabiya Mateo.