-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nasa Ilocos Sur na ngayon ang mga Miss Universe Philippine Winners na sina Beatrice Luigi Gomez at si Rabiya Mateo na napiling hurado sa Miss Ilocos Sur 2022 o ng Saniata ti Ylocos 2022, isa sa highlight ng selebrasyon ng Kannawidan Ylocos Festival sa lalawigan.

Pormal na nabuksan nitong Pebrero 1 ang isa sa pinakamalaki at kaabang-abang na selebrasyon sa Ilocos Sur na pinangunahan ni Governor Ryan Singson sa pamamagitan ng pagdaraos ng seremonya at ng mga iba’t ibang aktibidad sa Kannawidan Grounds, Tamag, Vigan City na ang ilan sa mga ito ay ang pagbubukas ng food and trade fair, pagdaraos ng misa, dancing fountain show at fireworks display.

Ayon kay Singson, masaya ito dahil sa kabila ng pandemya ay natuloy ang naturang selebrasyon ngunit hiling naman nito sa mga magpupunta sa venue na sumunod sa mga ipinatutupad na health and safety protocols upang maiwasan ang hawaan.

Nabatid na tanging mga bakunadong indibidwal lamang ang papayagang makapasok sa venue at ipinagbabawal ang mga bata.