Nanindigan si Beatrice Luigi Gomez na naipahayag nito sa publiko ang talagang nais niyang sagot sa question and answer portion ng 70th Miss Universe coronation nitong Lunes ng umaga, oras sa Pilipinas, at madaling araw naman sa Eilat, Israel.
Sa unang pagharap nito sa media matapos ang kabiguang masungkit ang panglima sanang korona para sa bansa, inamin nito na hindi niya inasahan na politika ang paksang mapupunta sa kanya sa Top 5 interview segment.
Pero kahit nagdalawang-isip aniya siya kung paano sasagot, humugot na lang siya sa kanyang core values upang ma-express ang sarili.
“Hindi ko po actually in-expect na ‘yung mapupuntang question sa’kin is political. So nagdadalawang-isip ako how I should answer the question. Inisip ko na lang core values ko, ‘yung paghuhugutan ko ng sagot,” ani Gomez.
Dagdag nito, “Pero for me, na-deliver ko po ‘yung answer na gusto kong isagot.”
Kung maaalala, naitanong sa 26-year-old Cebuana beauty ang patungkol sa vaccine passport.
“If mandating vaccine passport would help us in regulating the rollout of vaccine and mitigate the situation of the pandemic today, then I would agree on mandating the necessary passport of vaccination,” ang naging sagot ng pangalawang Miss Universe Philippines.
Una nang nilinaw ng “openly gay” at “pure blooded Pinay” na si Beatrice na wala siyang pinagsisihan sa kanyang “best performance” na naging daan para umabot siya hanggang sa Top 5.
Ayon sa athlete/beauty queen, gaano man niya maging target ang presithiyosong korona ay sadyang hindi ito sa kanya itinadhana kundi sa 21-anyos na pambato ng India.
“Para sa ‘kin, hindi po kulang kasi binigay ko po lahat (For me, it did not fall short because I gave my all). I’m just very proud of what I did,” saad ng mass communication student.
Kumpiyansa naman daw siya na magkakaroon talaga ng “place” ang Pilipinas ngayong taon dahil hindi limitado ang ninais nitong marating, kundi ang mismong Miss Universe crown.
“Honestly, I really expected (that) Philippines would have a placement this year because I know how hard I worked and all I ever did was deliver my best. For me, ‘yung best ko (my best) is not just limited to top 16 or top 10. I was really aiming for that crown.”
Kahapon ay bumiyahe na pauwi ng Pilipinas si Beatrice at aabangan naman ng mga Pinoy ang laban ng kababayan nitong Cebuana na si Tracy Maureen Perez na kinatawan ng bansa sa Miss World 2021 pageant sa darating na December 16 oras sa Puerto Rico.
Nabatid na pasok na sa Top 30 ng kompetisyon si Perez matapos manalo sa unang round ng head-to-head challenge.
Tatangkain nitong masungkit ang pangalawang Miss World crown, sunod kay Megan Young noong 2013.