-- Advertisements --

Natagpuang patay sa kaniyang tinitirhan sa Quezon City ang 56-anyos na American singer-songwriter na si Keith Martin.

Kinumpirma ng kaibigan nitong singer-actress na si Sheree Bautista ang pagpanaw ni Martin.

Sinabi nito na nitong hapon ng Biyernes, Marso 25 ng makitang walang buhay ang singer sa condominium unit nito sa Libis, Quezon City.

Nalaman na lamang ang insidente ng magreklamo ang mga kalapit ng condominium ng singer dahil sa hindi kaaya-ayang amoy mula doon.

Tinawag nila ang security guard at ng buksan ang unit ng singer ay doon na lamang lumantad ang bangkay nito.

Isasailalim pa ang bangkay ng singer sa otopsya para malaman kung ilang araw na itong patay at maging ang sanhi ng kamatayan nito.

Sinabi ni Sheree na nagpadala siya ng text message kay Martin para imbitahan sana sa podcast content nito sa Sabado subalit hindi na niya ito sinasagot.

Mag-isa na lamang ang singer sa kaniyang bahay matapos na ito ay hiwalayan ng Pinay na kasintahan noong 2021.

Pinasikat ni Martin ang kantang “Because of You” noong 2004.

Huling nakita sa publiko ang singer noong Marso 12, 2022 sa kasal ng singer na si Daryl Ong at Dea Formilleza sa Antipolo City.