-- Advertisements --

Malapit na umanong umabot sa critical level ang bed occupancy sa mga COVID-19 intensive care units (ICU) at wards sa mga ospital sa Quezon City.

Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, umakyat na raw sa 78% ang mga occupied na COVID-19 ICU beds sa lahat ng mga ospital sa siyudad, habang ang mga COVID-19 wards ay 77% occupied.

Samantala, 68% occupied na rin ang mga isolation beds, malapit na sa critical level na 70%.

Inihayag ni Belmonte na nasa 2,032 ang kabuuang bilang ng mga hospital beds para sa mga COVID-19 patients.

Dagdag nito, “fully booked” na rin daw ang COVID-19 wards sa tatlong government hospitals, ang Quezon City General Hospital, Rosario Maclang Bautista General Hospital, at Novaliches District Hospital.

Sumusunod din daw ang mga nabanggit na ospital sa iminamandatong 30% bed allocation para sa COVID-19 patients.

Habang ang mga quarantine facilities sa mga barangay ay nasa 18.98% lamang na okupado, at ang quarantine centers sa siyudad ay 40.40% lamang na occupied.

Sa pinakahuling datos, nasa 3,812 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa siyudad, 32,594 recoveries, at 866 deaths.