KALIBO, Aklan — Ipinag-utos ni Aklan governor Florencio Miraflores na dagdagan ang bed allocation para sa mga pasyenteng may coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa provincial hospital at iba pang pribadong pagamutan.
Ayon kay provincial administrator Atty. Selwyn Ibarreta, gagawin ng 50% ang bed allocation mula sa 20% sa itinakdang referral facility kasunod ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa lalawigan.
Sa kasalukuyan ay halos punuan na umano ang Covid wards at intensive care unit beds sa naturang ospital.
Habang inatasan rin aniya ng Department of Health ang mga pribadong pagamutan na may 20% bed allocation para sa Covid-19 patients na gawin itong 30% kapag lalo pang tumaas ang kaso ng COVID-19.
Inirekomenda ng National inter-agency task force (IATF) na isailalim ang Aklan sa General Community Quarantine mula sa MGCQ with heightened restrictions.
Umaabot na sa 4,223 ang kumpirmadong may COVID-19 sa Aklan.
Sa naturang bilang, 3,224 ang kabuuang gumaling at 97 naman ang mga nasawi.