Hindi nagpaawat ang San Miguel Beermen sa kabila ng naging mga balakid at inangkin ang 100-88 panalo sa unang laro ng kanilang best-of-seven semifinals series ng Phoenix Fuel Masters nitong Sabado ng gabi sa lungsod ng Pasay.
Bagama’t naging mabagal ang panimula ng Beermen, hindi na sila nagpapigil nang makuha na nila ang tamang tiyempo.
Nagpakawala ng 26 points at pitong rebounds si Alex Cabagnot, tampok ang kanyang 5-of-9 mula sa 3-point line para sa San Miguel.
Umalalay din si Christian Standhardinger na tumipon ng 12 points at 16 rebounds, maging sina Chris Ross at Marcio Lassiter na kapwa humugot ng 14.
Nalimitahan naman sa siyam na puntos at siyam na rebounds si June Mar Fajardo, na bumagsak nang nakaharap sa sahig noong second quarter.
“We’re so focus especially the players. Everybody really wants to win,†wika ni coach Leo Austria.
Napako ang Phoenix na umabot pa sa 49-73 ngunit nagsimulang bumawi noong huling yugto.
Hindi naman nasindak dito ang Beermen at ginawa ang lahat upang mapigilan ang tangkang pagbangon ng Fuel Masters.
Nanguna sa hanay ng Phoenix si Matthew Wright na kumamada ng 22 points.
Narito ang mga iskor:
San Miguel (100) – Cabagnot 26, Ross 14, Lassiter 14, Standhardinger 12, Santos 9, Fajardo 9, Tubid 6, Romeo 5, Pessumal 5, Rosser 0, Nabong 0.
Phoenix (88) – Wright 22, Abueva 18, Jazul 11, Mallari 11, Revilla 7, Perkins 6, Chua 5, Marcelo 4, Intal 3, Kramer 1, Mendoza 0, Dennison 0.
Quarterscores: 21-27; 49-39; 81-59; 100-88.