-- Advertisements --

VIGAN CITY – Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na hindi na magkakaproblema sa pagtanggap ng kanilang honorarium ang mga gurong magsisilbi bilang Board of Election Inspectors (BEI) sa darating na May 13 midterm elections.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na hindi na cash cards ang gagamitin sa pagre-release ng naturang bayad serbisyo ng mga guro.

Tiniyak ng tagapagsalita na may pondong nakalaan para sa mga BEI kaya asahan daw na hindi magtatagal ang release nito.

Magugunitang inulan ng reklamo ang Comelec at Department of Education noong nakaraang Barangay at Sangguniang Kabataan elections dahil sa delayed release umano ng honorarium.

Ikinabahala rin ng mga BEI ang bantang maapektuhan ng matagal na pag-apruba sa 2019 budget ng pondo para sa mga magsisilbi sa halalan.