Magtatayo umano ang China ng isang “national security agency” sa Hong Kong upang pangasiwaan ang isinusulong ng Beijing na national security bill na naglalayong masupil ang kaguluhan sa teritoryo.
Sa ulat ng state media, batay sa draft legislation, magiging trabaho ng nasabing tanggapan na mangalap ng intelligence at hawakan ang mga krimen laban sa pambansang seguridad.
Sa oras din umano na maipasa ang nasabing panukala, mawawalan na ng bisa ang anumang mga umiiral na batas sa Hong Kong na magiging taliwas dito.
“If the local laws… are inconsistent with this Law, the provisions of this Law shall apply. The power to interpret this law belongs to the Standing Committee of the National People’s Congress,” saad ng Xinhua news agency.
Maliban dito, may kapangyarihan din daw ang ahensya na mangasiwa sa edukasyon tungkol sa national security sa mga paaralan sa Hong Kong.
Bibigyan din umano si Hong Kong leader Carrie Lam ng karapatan na magtalaga ng mga hukom na didinig sa mga national security cases.
Una nang inihayag ni Lam ang kanyang pagsuporta sa panukalang batas at iginiit na hindi maaapektuhan ang kalayaan ng Hong Kong.
Matatandaang umani ng samu’t saring batikos ang naturang panukalang batas mula sa local at international scene.
Kamakailan nang nagpasya ang European Parliament na dalhin sa International Court of Justice sa The Hague ang China kung matuloy ang pagpapatupad ng batas.
Ngunit depensa ng China, kailangan umano ang batas para matuguna ang ilang mga isyu gaya ng subversion at terorismo. (BBC/ AFP)