Nakahanda umano ang Chinese government na gumanti laban sa Estados Unidos at mga pulitiko nito na patuloy ang paninisi sa Beijing dahil sa malaking danyos na dulot ng coronavirus pandemic.
Batay sa mga naglabasang impormasyon, may naka-abang na raw na parusa para sa mga indibidwal na naghain ng kaso laban sa Chinese Communist Party.
Kasama umano sa makakatikim ng ganti ng Beijing ay sina Missouri Attorney-General Eric Schmitt, Arkansas Senator Tom Cotton at Texas Congressman Dan Crenshaw maging ang lahat ng Republicans.
Ito’y dahil na rin sa isinusulong na panukala ng mga ito kung saan papayagan ang mga American citizens na magsampa ng kaso laban sa Chinese government dahil sa pandemic.
Ayon sa isang opisyal ng China, hinahanap na nito ang mga pulitiko na sinusubukan daw sirain ang magandang samahan ng Beijing at Amerika.
“For those who promote anti-China legislation, we need to find out what the business ties are between those officials or their families with China. We can’t just strike back symbolically, but impose countermeasures that could make them feel the pain,” wika ni Yuan Zhen, research fellow sa Chinese Academy of Social Sciences.
Nagiging maugong na rin ang panawagan ng publiko sa Washington na dapat pagbayarin ang China sa umano’y palpak nitong hakbang para labanan ang pagkalat ng virus.