Naging simple lamang ang ginawang opening ceremony ng 2022 Beijing Winter Olympics.
Pinangunahan ni Chinese President Xi Jinping ang pagdeklara ng pagbubukas ng nasabing torneo sa tinaguriang Bird’s Nest stadium kung saan doon din ginanap ang 2008 Olympics.
Lumiwanag ang kalangitan dahil sa mga fireworks.
Sinimulan ang pagbubukas ng laro sa isang dance number na sinundan ng tradisyunal na parada ng mga kalahok bitbit ang watawat ng kanilang bansa.
Iwinagayway ng nag-iisang atleta ng bansa na kalahok sa torneo na si Asa Miller ang bandila ng Pilipinas .
Lumakas ang palakpakan ng mga nanonood ng pumarada ang mga atleta ng Hong Kong, China at maging ang Russia.
Magugunitang nagpahayag ng diplomatic boycott ang US, United Kingdom, Australia, Canada, India at Taiwan.
Ang nasabing boycott ay hindi nangangahulugan na walang atletang lalahok dahil suportado pa rin ng US ang 177 atleta nila na sumabak sa Winter Olympics ngayong taon.
Tanging si Russian President Vladimir Putin ang mataas na opisyal ng isang bansa ang dumalo sa Olympics kahit na walang mga atleta itong kalahok dahil sa doping ban na ipinataw ng International Olympic Committee (IOC) na magtatapos sa 2023.
Pinuri naman ni IOC President Thomas Bach ang China dahil naging matagumpay na pagsisimula ng torneo kahit na nahaharap ang maraming bansa sa hamon ng COVID-19.