-- Advertisements --

Galit na sinugod ng mga nagpoprotesta sa Lebanon ang ilang mga tanggapan ng pamahalaan kasabay ng kanilang kilos-protesta kasunod ng nangyaring pagsabog sa Beirut na ikinamatay ng halos 160 katao.

Ilang mga raliyista ang sapilitang pinasok ang opisina ng mga government ministries at maging ang headquarters ng banking association ng bansa.

Nag-umpisa ang mga pananalakay matapos pasukin ng isang grupo ng mga indibidwal ang foreign ministry at nanawagan na okupahan ang iba pang mga ministries.

Tinatayang nasa 100 ang mga sumugod sa foreign ministry, na kinabibilangan ng mga retiradong army officers.

Batay sa ulat, napalayas ng army ang orihinal na grupo ng mga nagprotesta sa foreign ministry pagkatapos ng ilang oras, ngunit nananatili namang okupado ang ilang mga gusali.

Nagkaroon din ng tensyon sa pagitan ng mga raliyista at mga pulis makaraang gumanti ang mga otoridad na nagbato ng tear gas sa mga namamatong demonstrador.

Nakarinig din umano ng putok ng baril sa Martyrs’ Square.

Sa pagtaya ng mga otoridad, nasa 5,000 hanggang 10,000 ang nagtipon-tipon para magsagawa ng kilos-protesta, kasama na ang martsa mula sa isa sa mga pinakaapektuhang lugar malapit sa pantalan.

May isang police officer din umano ang namatay kasunod ng mga protesta mayapos itong mahulog sa lift-shaft ng isang hotel makaraang habulin ng mga raliyista.

Ayon naman sa local Red Cross, umabot na sa 117 sugatan ang kanilang nilapatan ng paunang lunas, habang 55 iba pa ang dinala na sa pagamutan.

Sa isa namang televised address, sinabi ni Lebanese Prime Minister Hassan Diab na hihilingin nito na paagahin ang pagsasagawa ng halalan bilang tugon sa krisis.

“We can’t exit the country’s structural crisis without holding early parliamentary elections,” wika ni Diab.

Tatalakayin daw sa Lunes ang naturang isyu. (BBC)