KALIBO, Aklan – Pinanangambahan na nahaluan na ng lason ang hangin na nalalanghap ng mga residente matapos ang malalakas na pagsabog sa pantalan sa Beirut, Lebanon.
Ayon kay Bombo International Correspondent Jenelyn Recasas Ta-ay, residente ng Cajilo, Makato, Aklan, nagbabala ang Lebanese government sa pagtaas ng air pollution levels malapit sa sumabog na warehouse kung saan nakaimbak ang 2,750 toneladang ammonium nitrate na bumuga ng makapal na usok sa kahawaan.
Sa kasalukuyan, nakalikas na umano ang ilan sa kanila sa bulubunduking bahagi ng lugar at inabisuhan na kung maaari ay manatili lamang sa loob ng bahay at huwag magbukas ng bintana dahil sa posibleng paghalo ng lason sa hangin na masama sa kalusugan ng tao.
Samantala, nagpasalamat naman ang ito na walang nangyari sa kanila kahit na nasaksihan nila ang malakas na pagsabog habang nakasakay sa kotse ng kanyang amo pauwi sa kanilang bahay.
Napatulala na lamang daw sila nang makita ang mga nagbagsakang salamin ng mga gusali at ang mga nagliparang sasakyan dahil sa lakas ng pagsabog.