VIGAN CITY – Tila isang masamang panaginip sa isang mister sa Ilocos Sur ang sinapit ng kanyang asawa na isang overseas Filipino worker (OFW) sa Lebanon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Giovanni Mendoza ng Barangay Carcarabasa, Lidlidda, asawa ni Perlita Guillermo Mendoza na namatay sa naganap na pagsabog sa Beirut.
Aniya, hindi lubos akalain ng kanilang pamilya na uuwing malamig na bangkay na ang kanyang asawa na mahigit isang taon pa lamang naninilbihan sa nasabing bansa.
Hanggang ngayon ay hindi pa nila matanggap ang pangyayari lalo’t nakausap pa nito ang misis noong gabi bago maganap ang pagsabog.
Wala pa raw silang natatanggap na tawag mula sa Department of Foreign Affairs kung paano maiuuwi ang bangkay ni Perlita sa kanilang lalawigan.