Idineklara ngayon ni Lebanon Prime Minister Hassan Diab bilang “disaster city” ang Beirut matapos ang nangyaring malakas na pagsabog.
Posibleng tataas pa ang bilang ng mga namatay na unang naitala ay umabot sa 135 at mahigit 300,000 naman ang nawalan ng bahay.
Tiniyak naman ni Lebanese President Michel Aoun na magiging transparent ang kanilang gagawing imbestigasyon sa pagsabog ng mahigit 2,750 metric tons ng ammonium nitrate na noon pang 2013 ay nakaimbak na sa bodega.
Ang nasabing ammonium nitrate ay nakumpiska habang patungo sana sa Mozambique noong taong 2013.
Sa ngayon patuloy ang ginagawang paghahanap ng mga rescuers na galing pa sa ibang bansa sa mga naiulat na nawawala matapos ang nasabing insidente.
Isang malaking hamon ngayon ang hinaharap ng Lebanon dahil halos lahat ng mga pagamutan ay puno na.
Pinasalamatan din ni Lebanon Health Minister Hamad Hassan ang mga bansang Qatar, Iran, Kuwait, Oman at Jordan dahil agad silang tumulong para makapagtayo ng field hospital.