Nagpahayag ng kahandaan si Beau Belga na maglaro sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games sakaling ipatawag ni national head coach Yeng Guiao.
Kasama si Belga sa mga hindi napabilang sa final roster ng Gilas Pilipinas na isasabak sa 2019 FIBA World Cup sa China.
Una nang sinabi ni Guiao, sigurado na raw ang puwesto sa team para sa SEA Games ng mga players na hindi napasama sa World Cup.
Ayon kay Belga, ayaw niya raw isiping tiyak na ang kanyang spot, bagkus ay kanya nang ipapaubaya sa kay Guiao at sa coaching staff ang desisyon.
“Wala naman problema basta pinatawag ni coach Yeng,” wika ni Belga. “Saka para sa national team, okay lang, kung gusto pa nila ako sa SEA Games. Laging available, ang tanong lang is kung okay pa sa kanila.
“Hindi natin alam mangyayari sa future eh. Malay mo may mga big man na mag-excel, mga big man na magpakita. Walang samaan ng loob. Antay na lang. Matagal pa naman eh.”
Sakaling mapasama sa SEA Games squad, ito na ang ikalawang beses na pupuntiryahin ni Belga ang gintong medalya.
Bahagi kasi si Belga ng koponang pinangunahan ni coach Louie Alas na nagwagi sa Nakhon Ratchasima, Thailand noong 2007.