-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Labor and Employment (DOLE) na sila lang may otoridad na magbigay ng working permit sa mga dayuhang nais magtrabaho sa Pilipinas.

Ito ay sa gitna ng kalituhan dulot ng kwestyonableng paglobo ng Chinese workers sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo ipinaliwanag ni Labor Sec. Silvestre Bello III ang papel ng DOLE at iba pang ahensya sa pagbibigay ng permit sa mga dayuhan na nais magtrabaho rito

“Iisa lang naman ang nagbibigay ng permit. Ang Department of Labor (and Employment). Yung binibigay ng Bureau of Immigration, temporary lang yon. Special working permit. Ina-allow ng batas natin na yung BI magbigay ng special working, gayundin yung sa Department of Justice mayroon din silang kapangyarihan mag-issue ng permit na tinatawag na anti-dummy law,” ani Bello.

Sa isang statement kamakailan, sinabi ng Chinese Embassy na iligal sa kanilang bansa ang anumang uri ng pagsusugal.

Pero sa kabila nito, nabatid na lumobo sa higit 100,000 ang bilang ng foreign workers sa mga Philippine offshore gaming operation (POGO) hubs, kung saan karamihan ay mga Chinese.

Tanong tuloy ni Vice Pres. Leni Robredo bakit patuloy pa rin ang pagtanggap ng estado sa mga Chinese na manggagawa.

“Bakit kung kailan sobrang dami na nila saka pag-uusapan pa lang. Parang iyon iyong mga nakakagulat,” ani Robredo.

Una ng sumangayon ang Malacanang sa panukala ng Department of Foreign Affairs na mas istriktong panuntunan sa pagbibigay ng visa sa mga Chinese.

Lalo na’t nabatid ng pamahalaan na maraming Chinese tourist ang pumuslit na magtrabaho sa kahit pumasok sila ng Pilipinas gamit ang tourist visa.