-- Advertisements --

Nagtipon-tipon ang ilang opisyal ng Pilipinas at China para sa Belt and Road forum na isinasagawa ngayon dito sa Pasay City. 

Ilan sa mga dumalo sa forum ay sina Transportation Secretary Arthur Tugade, Chief Executive officer of Cagayan Economic Zone Raul Lambino, dating Department of Health Secretary Dr. Francia M. Laxamana, Presidential Communications Operations Secretary Martin Andanar at dating pangulo ng Pilipinas Gloria Macapagal-Arroyo. 

Dinaluhan din ito ng ilang malalaking personalidad sa larangan ng media, infrastructure at health industry. Tulad na lamang nina Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua at Vice President of China Public Diplomacy Association Hu Zhengyue. 

Tatalakayin dito ang ilan sa mga plano at naging kasunduan sa pagitan nina President Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping patungkol sa Belt and Road Initiative. 

Hindi naman daw maikakaila ni Tan Qisheng, Minister-Counsellor ng Embassy of China sa Pilipinas na mayroon pa ring iilan na hindi tunay na nauunawan ang layunin ng China para sa Pilipinas. 

Aniya malaki ang magiging papel ng media upang ipamahagi ang tunay na impormasyon na nais ipahatid ng China para sa mamamayang Pilipino.

Naniniwala si Communications Secretary Martin Andanar na ang One Belt, One Road program ay ang pinaka magandang alternatibo laban sa gyera. 

Hinihikayat din daw ng programang ito ang bawat bansa na magsagawa ng progresibong pakikipagkalakalan at upang patatagin na rin ang people to people cultural exchange upang mas lalo pang maunawaan ng bawat isa ang pagkaka-iba ng bawat kultura. 

Nagpasalamat naman si dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa malaking naitulong ng China hindi lamang sa imprastruktura ng Pilipinas ngunit pati na rin daw sa agrikultura ng ating bansa. 

Dagdag pa nito, dahil daw sa magandang pakikisama ni Pangulong Duterte sa China ay mayroong 1.5 million Chinese tourists ang bumibisita sa bansa kada taon.