Tiniyak ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa publiko na saklaw nito ang mga serbisyo para sa mga na-admit na miyembro nito na nakakaranas ng heat-related illnesses gaya ng heat stroke, heat cramps, at heat exhaustion.
Ayon kay Philhealth president Emmanuel Ledesma, kapag ang mga miyembro o kanilang dependents ay kailangang ma-admit sa aumang Philhealth accredited health facilities dahil sa nasabing mga sakit, magbibigay ang state health insurer ng benefit package na nagkakahalaga ng hanggang P8,450.
Matatandaan na una na ngang nakapagtala ang Department of Health ng kabuuang 34 na kaso ng heat-related illnesses mula ng mag-umpisa ang 2024 kung saan 6 na ang nasawi subalit biniberipika pa ng DOH ang aktwal na dahilan ng kanilang pagkamatay.
Ayon kay Health Sec. Ted Herbosa, ang mga senior citizen at bata ang nasa panganib lalo na kapag pumalo sa danger level ang temperatura.
Kaya’t payo ng kalihim na kapag nakaramdam ng mga sintomas ng heat-related illnesses, dapat na agad magtungo sa malamig na lugar at magpakonsulta sa doktor kung kinakailangan.