Iniulat ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na itinaas na ng ahensya ang benefit package para sa mga pasyente ng heat stroke sa P8,450 noong unang bahagi ng taong kasalukuyan.
Ayon kay PhilHealth vice president for Corporate Affairs Rey Baleña, ginawa ito ng ahensya bago pa man makaranas ang bansa ng napakataas na temperatura.
Sinabi pa ng opisyal na ang mas mataas na rate na ito ay bahagi ng pagtaas sa lahat ng benefit package na ipinatupad ng ahensya sa unang bahagi ng taon.
Mula aniya sa P6,500 ay ginawa na itong P8,450 o katumbas ng 30% na pagtaas na naging epektibo mula pa noong February 14.
Una rito ay sinabi ng Philhealth na sakop nito ang mga kaso ng hospitalization dahil sa heat stroke o sun stroke.
Hinihimok naman ng Department of Health ang publiko na manatili sa loob ng bahay sa gitna ng mapanganib na antas ng heat index na nararamdaman sa buong bansa.
Nagbabala rin ang state weather bureau na heat cramps at heat exhaustion ang posibleng maranasan ng mga residente, habang posibleng heat stroke, kapag umabot sa 42 hanggang 51 degrees Celsius ang heat index.
Ang heat stroke ay itinuturing bilang isang medical emergency dahil lumalala ang mga sintomas nito kapag naantala ang paggamot, kaya tumataas ang mga panganib ng malubhang komplikasyon o pagkamatay.
Ngayong araw nga ay mataas na heat index pa rin ang nakataas sa ilang lugar sa bansa na kung saan nangunguna ang Dagupan City na may 47 degrees celsius heat index.