-- Advertisements --

Iniulat ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na itinaas na ng ahensya ang benefit package para sa mga pasyente ng cataract surgery at lens implant sa P80,900 para sa adult at P187,100 naman para sa pediatric patient na magsisimula ngayong katapusan ng buwan ng Enero taong kasalukuyan.

Ayon kay president Emmanuel Ledesma Jr., mula aniya sa P16,000 noong 2014 ay tumaas daw ito sa 405.6 percent para sa mga adult patient at kabuuang 1,069.4 percent na mga pasyenteng bata.

Nilinaw pa ng ahensya na ang reimbursable ammount ay naka depende aniya sa klase ng lens implant.

Sa isang mata palang para sa adult cataract extraction surgery ay aabot na ang halaga nito sa P20,200.

Para naman sa package ng cataract surgery na may monofocal intraocular lens (IOL) ay may halagang aabot sa P28,300 at P48,300 para naman sa monofocal toric ng IOL.

Kung ang ipapagawa naman ay cataract extraction na may multifocal insertion ng IOL ay aabot ang halaga nito sa P66,900 at P80,900 para sa multifocal toric insertion ng IOL.

Kaya paglilinaw pa ng Philhealth na ang halaga ng IOL para sa operasyon ng katarata ay kailangang malinaw na nakasaad sa inyong mga resibo.

Kung ang intraocular lens ay ibinibigay ng pasyente o nakakuha ito mula sa donasyon, ang reimbursement claim ay tanging para lamang aniya sa paggamot ng katarata at hindi kasama ang halaga ng lens.

Bukod dito, pinapayuhan din ng PhilHealth ang mga ophthalmologist na huwag bumili at direktang ibenta ang mga IOL sa mga pasyenteng gumagamit ng benepisyo para sa operasyon ng katarata upang mabawasan aniya ang mga posibleng conflict of interest.