-- Advertisements --

BAGUIO CITY – “Dead on the spot” ang limang kalalakihan na pinaniniwalaang mga hijacker matapos makipagbarilan sa mga tauhan ng Regional Highway Patrol Group (RHPG)-Cordillera at Tuba Municipal Police Station (MPS) sa Taloy Sur, Marcos Highway, Tuba, Benguet bandang madaling araw ng June 30.

Ayon kay P/Capt. Marnie Abellanida, tagapagsalita ng Police Regional Office Cordillera, nasagawa ng hot pursuit operation ang mga operatiba matapos makatanggap ang mga ito ng tinatawag na flash alarm ukol sa diumano’y na-hijack na wing van truck na may plakang ADH 3116 sa La Trinidad, Benguet.

Tumakas aniya ang mga suspek patungo sa direksyon ng Marcos Highway lulan ng subject vehicle at isang gray sports utility vehicle na walang plate number.

Aniya, unang nagpaputok ng baril ang mga suspek kaya nagpaputok din ang mga pulis na nauwi sa engkuwentro at sa pagkapatay sa mga suspek.

Wala namang nasugatan sa hanay ng RHPG-Cordillera at Tuba MPS.

Sinabi pa ni Capt. Abellanida na mahigpit nilang iimbestigahan ang insidente lalo pa at dalawa sa mga napatay na suspek ay nakasuot ng uniporme ng kapulisan at may mga PNP (Philippine National Police) ID habang ang isa pa ay nakuhanan ng NBI (National Bureau of Investigation) ID.

Gayunman, naniniwala ito na nagpanggap lamang na kasapi ng PNP ang dalawa sa mga suspek para makalusot sa mga border checkpoint.

Nakuha pa sa tabi ng mga bangkay ng mga suspek ang tig-isang baril, kung saan apat ay pistola habang isa ay long firearm.

Sa ngayon, dinala na ang mga bangkay sa isang punerarya sa Baguio City para sa kaukulang pagproseso sa mga ito.