BAGUIO CITY – Mariing tinututulan ni Benguet Governor Melchor Diclas ang disenyo ng motorcycle barriers na inaprubahan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF).
Sa panayam ng Bombo Radyo, iginiit niya na mapanganib at hindi angkop ang mga barriers sa mga motorsiklo dahil sa sitwasyon ng mga kalsada sa rehiyon ng Cordillera, lalo na sa mga liblib na lugar.
Hindi aniya kailangan ang mga barriers dahil mag-asawa naman daw ang mag-aangkas sa mga motorsiklo.
Ipinaliwanag niya na magdudulot lamang ng aksidente ang mga barriers sa motorsiklo dahil sa mga kurbang kalsada sa rehiyon.
Dahil dito, balak umapela ang lokal na pamahalaan ng Benguet sa national government upang ikonsidera ang Cordillera sa hindi na paglagay ng barriers sa mga motorsiklo para na rin sa kaligtasan ng publiko.
Una na ring tinutulan ni Land Transportation Office (LTO)-Cordillera Director Francis Ray Almora ang paglalagay ng barriers sa mga motorsiklo dahil rin sa kaparehong dahilan.
Sa kabila nito, nagsimula na ang paghuli sa mga walang barriers na motorsiklo sa rehiyon.