BAGUIO CITY – Tuluyan nang naging COVID-19 free ang lalawigan ng Benguet, dahilan upang magbunyi ang mga opisyal at mga residente.
Ito ay pagkatapos makalabas sa Benguet General Hospital (BeGH) ang dalawang natitirang pasyente ng COVID-19 sa lalawigan kaninang umaga.
Gumaling mula sa nasabing virus ang isang 79-anyos na lalaki at ang anak nitong 46-anyos na nagsimulang magpagamot noong April.
Maalalang kahapon ay nakalabas din mula sa pagamutan ang dalawang pasyente ng COVID-19 sa La Trinidad, Benguet.
Dahil dito, nakalabas na mula sa pagamutan ang lahat ng 10 na pasyente ng COVID-19 sa Benguet, dahilan para maging COVID-19 free ang lalawigan.
Nagsagawa ng send-off ceremony ang BeGH at ito’y pinangunahan ni Gov. Melchor Diclas, La Trinidad Mayor Romeo Salda, at BeGH Chief Of Hospital Dr. Meliarazon Dulay gayundin si Board Member Coy Nazarro.
Sa kabila nito, ipinayo ni Gov. Diclas ang pananatiling alerto ng mga mamamayan sa Benguet kahit wala ng positibong kaso ng COVID-19 doon.
Iginiit nito na hindi pa tapos ang laban sa COVID-19 kaya’t kailangang panatilihing malakas ang immune system.
Pinasalamatan ng gobernador ang mga health workers at iba pang frontliners na tumutulong upang masugpo ang COVID-19.